PatrolPH

Ilang benepisyaryo ng 4Ps umaasang makakatanggap ng 'dagdag ayuda'

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2023 04:23 PM | Updated as of Feb 26 2023 07:10 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Umaasa ang ilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na makakatanggap din sila ng ayuda kapag naipatupad ang panibagong round ng Targeted Cash Transfer (TCT) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Elizabeth Adonis, 70 anyos na residente ng Tondo sa Maynila, kung tutuusin ay kulang ang P3,700 na natatanggap niya kada 2 buwan dahil sa taas ng presyo ng bilihin.

Tinitipid pa umano niya ang nakukuha sa 4Ps para sa baon ng kaniyang apo at pandagdag sa kanilang pangkain.

"Tinitipid-tipid ko 'yong pera ko para araw-araw may baon apo ko, pagkain namin. 'Yong iba nagagastos ko din dito, nababayad ko sa utang ko," ani Adonis.

Kaya malaking tulong umano sa kaniya kung matuloy at masali sila sa ipinamimigay na P1,000 sa ilalim ng programa.

Magagamit umano ni Adonis ito sa "dagdag-gamit sa puhunan ko."

"Sa pag-aaral ng apo ko, dagdag sa pangnegosyo ko," ani Adonis.

Makatutulong din umano sa pang-araw-araw na gastusin ng 76 anyos na si Zenaida Dacuycuy ang ayuda.

Napakadalang pa umanong dumating ng ayudang natatanggap ni Dacuycuy, na P500 para sa senior citizen.

"Tuwing ikatlong buwan. Minsan wala pa nga, umaabot pa ng 4 [buwan]," kuwento niya.

"Nakakahingi naman ako sa mga apo ko minsan, minsan wala," anang lola.

Nauna nang sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na plano nilang palawigin nang 2 buwan ang TCT program ng DSWD.

"This is for the poorest of the poor, not necessarily the 4Ps. Iba pa yung 4Ps. Sometimes if nasa 4Ps ka, kasama ka na rin dito," ani Diokno.

Sa halip na P500, makakakuha ang mga benepisyaryo ng P1,000.

Tinatayang 9.3 million ang beneficiaries kaya aabot sa P9.3 billion ang gagastusin para dito.

"We have already identified the funding source. We are just waiting for the announcement from the Palace,” dagdag ni Diokno.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang DSWD hangga't wala pang natatanggap na kaugnay na utos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.