PatrolPH

Tinatayang P9M halaga ng pekeng sigarilyo, nasabat sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2021 11:10 AM

Tinatayang P9M halaga ng pekeng sigarilyo, nasabat sa Bataan 1
Nasabat sa checkpoint ang trailer truck na naglalaman ng mga kahon-kahon ng pekeng sigarilyo sa Limay, Bataan. Larawan mula sa Police Regional Office 3

Isang truck na may kargang kahon-kahon ng pekeng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P9 milyon ang nasabat ng awtoridad sa bayan ng Limay sa Bataan nitong Miyerkoles.

Nasabat sa checkpoint ng 2nd Provincial Mobile Force Company at ng Limay Municipal Police Station, kasama ang kinatawan ng Philip Morris Fortune Tobacco Corp., Japan Tobacco Inc. ang trailer truck sa Roman Highway, Barangay Alangan. 

Nasa 460 master cases ng Marvels, D&B, Mithy and Tomon cigarettes ang nasa loob ng truck.

Inaresto rin ng awtoridad ang tatlong sakay ng truck.

Walang maipakitang dokumento ang 3 para sa kargamento nilang sigarilyo.

Kinumpiska na ang truck, maging ang mga pekeng sigarilyo, at kinasuhan na rin ng paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Rights ang mga nahuli.

- Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.