5 arestado sa drug den sa Davao del Norte; P165,000 halaga ng shabu nakumpiska

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2021 01:39 AM

PANABO CITY, Davao del Norte -- Arestado sa drug buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency Region XI, Davao del Norte Police Office Provincial Intelligence Branch at ng Panabo City Police ang limang tao sa isa umanong drug den sa Purok 2, Barangay San Vicente sa lungsod ng Panabo, Miyerkoles ng gabi.

Target sa operasyon ang mag-asawang sina Igmedio Ocba at Levi Ocba, na pawang nasa drug list ng Panabo City. 

Ayon sa pulisya, ang dalawa ay hinihinalang maintainer ng drug den.

Inaresto rin sa sinasabing drug den ang mga umano'y bisita nito na sina Norgen Maguindanao, Danny Marsamolom, at Cristituto Salada.

Nakumpiska mula sa operasyon ang mga pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P165,000.

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs act of 2002 ang mga naaresto.

- ulat ni Hernel Tocmo

FROM THE ARCHIVES

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.