Sanggol natagpuan sa eco bag sa Laguna; ina ng bata pinaghahanap

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 07:10 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Isang bagong silang na sanggol ang natagpuang nakasilid sa eco bag sa tabing-kalsada sa Biñan City sa Laguna. 

Isang street sweeper ang nakakita sa sanggol habang nagwawalis sa kalye ng Florante sa Barangay Poblacion bandang alas-6 umaga nang Martes. May kasama pang inunan o placenta at may pusod pang nakakabit sa lalaking sanggol. 

Nang makita ng street sweeper ang sanggol, agad itong sumaklolo at dinala ang sanggol sa barangay hall, batay sa kuha ng CCTV.

Batay sa pagsusuri ng barangay officials sa CCTV footage pasado alas-4 nang madaling araw, makikita ang isang babae na sukbit ang nasabing eco bag at iniwan ito sa likod ng isang nakaparadang kotse. 

Sa hiwalay na kuha ng CCTV, tila maaaninag ang mukha ng babae matapos iwanan ang sanggol. 

Hindi pa matiyak ng Violence Against Women and Children's desk ng barangay kung napag-utusan ang babae o ito na nga mismo ang ina ng sanggol. 

"Pinipilit po namin na hanapin sa mga ospital, kung hirap po siyang maglakad" paliwanag ni Elizabeth Disonglo., VAWC officer ng barangay. 

Maayos na ang kalagayan at nabigyan na ng bakuna ang sanggol, na pansamantalang pinangalanang "Lucky." 

Nasa pangangalaga ngayon ng City Social Welfare and Development Office ang sanggol. 

Tinutugis na ngayon ng mga awtoridad ang ina ng sanggol para malaman kung ano ang nagtulak sa kaniya para iwanan ang bata. 

Ayon sa CSWD, may mga nagpahayag nang nais ampunin ang sanggol pero anila, hindi ito basta-basta maaaring gawin dahil marami pang mga prosesong kailangang pagdaanan. 

Maaaring tawagan ang hotline number ng Barangay Poblacion (049) 511-6276 ang sino mang may impormasyon tungkol sa ina ng sanggol. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.