Mga turistang Pinoy bawal munang pumunta sa South Korea

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 04:55 PM | Updated as of Feb 26 2020 07:21 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Bawal munang pumunta ng South Korea ang mga turistang Pilipino bilang pag-iingat sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), sabi ngayong Miyerkoles ng mga opisyal ng gobyerno.

Agarang ipatutupad ang travel restriction sa mga turistang Pinoy patungong South Korea, na napagkasunduan sa pinakahuling pulong ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, ayon kay Health Secretary Francsico Duque III.

Bukod sa kanila, bawal din umanong makapasok ng Pilipinas ang mga biyahero galing sa North Gyeongsang, isang lalawigan sa silangang bahagi ng South Korea na katabi ng Daegu city, ang sentro ng coronavirus outbreak sa naturang bansa.

Sa South Korea naitala ang pinakamaraming kaso ng novel coronavirus sa labas ng mainland China, kung saan nagmula ang virus.

Ang mga papayagan lang makabiyahe patungong South Korea, ayon kay Duque, ay ang mga overseas Filipino worker at estudyanteng mag-aaral doon, at permanent residents.

Pero kailangan daw muna nilang lumagda sa isang declaration na nagsasaad na nauunawaan nila ang risk o panganib na dala ng COVID-19 sa South Korea.

REPATRIATION NG MGA NASA MACAU PINAG-IISIPAN

Bukod sa travel ban sa South Korea, pinag-iisipan na rin ng gobyerno kung magpapauwi ito ng mga Pinoy mula Macau, na apektado rin ng COVID-19.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, tatalakayin sa Huwebes ng inter-agency task force ang posibilidad ng pag-papauwi sa Pilipinas sa mga Pinoy sa Macau lalo at may mga kababayan doon na nagsabing gusto ng mga ito na umuwi.

“Maybe tomorrow we’ll get a clearer assessment of the number of our citizens who want to be repatriated to the Philippines,” ani Nograles.

Bago nito, nagsagawa ng repatriation ang gobyerno sa mga Pinoy mula Wuhan, ang lungsod sa China na pinagmulan ng novel coronavirus.

Watch more in iWantTFC

QUARANTINE NG MGA GALING JAPAN NAGSIMULA NA

Nag-umpisa na rin ang 14-day quarantine period ng higit 400 Pinoy mula sa Diamond Princess cruise ship sa Yokohama, Japan. Nakalapag sila sa bansa pasado alas-10 ng gabi noong Martes.

Naka-quarantine din sa New Clark City sa Capas, Tarlac ang mga tumulong sa pagsundo sa mga Pinoy sa barko.

Tiniyak naman ng Magsaysay People Resources Corporation, ang manning agency ng mga umuwing crew member ng barko, na hindi mawawalan ng trabaho ang mga tripulante.

Ide-deploy din daw sila sa ibang lugar sa oras na matapos ang quarantine period, at hindi rin maaapektuhan ang kanilang sahod kahit naka-quarantine.-- Ulat nina Johnson Manabat, Kristine Sabillo, at Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.