Ilang mambabatas tuloy ang hakbang para sa franchise renewal ng ABS-CBN

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 06:56 PM | Updated as of Feb 26 2020 09:03 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Higit 2 linggo na lang bago tuluyang mag-recess ang sesyon ng 2 kapulungan ng Kongreso pero mabagal pa rin ang usad sa Kamara ng nasa 11 panukala para sa bagong prangkisa ng ABS-CBN.

Kaya ang ilang senador, kaniya-kaniya nang kilos kung paano masisigurong tuloy pa rin sa pag-ere ang ABS-CBN, na mapapaso na ang prangkisa sa Mayo.

Si Senate Minority Leader Franklin Drilon, inihain ang Concurrent Resolution No. 6. na naglalahad ng sentimyento ng Kongreso na humihiling na pagkalooban ng National Telecommunications Commission (NTC) ang ABS-CBN ng “provisional authority” hanggang matapos ang 18th Congress o sa Hunyo 30, 2022.

Inihain naman ni Sen. Ramon Revilla ang Senate Bill 1374, na layong i-extend ang prangkisa ng ABS-CBN hanggang Disyembre 31, 2020 para mabigyan ng panahon ang mga mambabatas na pag-aralang mabuti ang ABS-CBN franchise.

Kampante si Revilla na may maghahain din ng kaparehong panukala sa Kamara.

"Dapat tingnan natin 'yung mas nakakarami para matigil na 'yung agam-agam ng lahat," ani Revilla. 

Suportado ni Sen. Manny Pacquiao ang resolusyon ni Drilon.

Si Sen. Bong Go naman, mas pabor sa panukala ni Revilla. Sabi niya, may politika kasi ang resolusyon ni Drilon.

"Iyung reso ni Sen. Drilon nahahaluan kasi 'yun ng politika, bakit po natin ide-deprive sa presidente 'yung power to approve or veto," ani Go. 

Sinagot naman agad ni Drilon ang paratang ni Go.

"Being a neophyte senator, he may not be aware of our tradition and our rules. Precisely a concurrent resolution does not go through the president because it has no force and effect of a law. It is just a sense of the Senate. There is no politics here," ani Drilon. 

Si Pacquiao, isa sa mga may-akda ng ABS-CBN franchise bill, planong kausapin si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa isyu.

KAMARA

Watch more in iWantTFC

Sa Kamara naman, gusto ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na bigyan ng isang taong extension ang kasalukuyang ABS-CBN franchise para mas may panahon ang Kongreso na magpasa ng bagong prangkisa.

"Why one year? We don't want also to dilly-dally. Two years [is] too long... so we can also have some urgency on this," ani Rodriguez. 
    
Ito’y matapos maghain ni Cebu Rep. Raul del Mar ng resolusyon para sa 2 year extension ng ABS-CBN franchise.

Sabi naman ng Palasyo, dapat sumagot ang mga mambabatas sa kanilang mga nasasakupan kung bakit natengga ang ABS-CBN franchise.

"They should be accountable to the people, they’re supposed to represent their districts so they will have to account to their constituents why they have not done anything of this particular subject matter," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo. 

Babala naman ni Albay Rep. Edcel Lagman, takaw-demanda lang ang mga binabalak na resolusyon at mapapahamak pa ang ABS-CBN.

"Since the prevailing rule is 'no franchise, no operation', inveigling ABS-CBN to continue operation with an expired franchise is pushing it to a legal limbo fraught with possible lawsuits," ani Lagman.

Kung pansamantala lang ang permisong ibibigay sa ABS-CBN, puwede raw itong gamitin para hawakan sa leeg ang kompaniya, ayon pa ng isang kongresista. 

"Of course people will speculate this can be used to pressure. 'Yan nga ang problema, nagkakaroon ng chilling effect," ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate. 

Kaya pinakamainam pa rin daw ang magpasa ng aktuwal na prangkisa dahil may panahon naman ang Kongreso bago ito magbakasyon nang halos 2 buwan.

"If they can pass a resolution, I cannot understand why they cannot pass a law on either the renewal or grant of a franchise whether with respect to ABS-CBN or other pending applicants. Because the vote needed for the resolution is a majority vote. The vote needed for passing a law is also a majority vote," pagtataka ni Panelo. 

Nitong Miyerkoles naman, sumulat na ang House Committee on Legislative Franchises sa NTC para atasan ito na bigyan ng provisional authority to operate ang ABS-CBN epektibo mula May 4 hanggang sa makapagdesisyon na ang Kongreso sa franchise renewal ng kompanya.

Kasunod ito ng pangako ni House Speaker Alan Peter Cayetano na makakapag-broadcast pa rin ang ABS-CBN habang tinatalakay pa ang bagong franchise nito. —Ulat nina Sherrie Ann Torres at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.