Higit P1-M halaga ng ilegal na droga, nasabat sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 03:51 AM

ZAMBOANGA CITY—Mahigit P1 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasabat sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa lungsod na ito Martes ng gabi.

Sa Barangay Rio Hondo, inaresto ng mga operatiba ang isang 19 taong gulang na dalaga na siya umanong nagbebenta ng droga.

Nakuha mula sa kaniya ang tatlong malaking pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng higit P1 milyon.

Ayon kay Police Captain Albin Cabayacruz, hepe ng Police Station 10, ilang araw na nilang minamanmanan ang galaw ng dalaga.

Sa isang panayam, itinanggi ng dalaga na isa siyang tulak.

Samantala, sa isa pang operasyon, inaresto ang isang mag-ama na nagbebenta din umano ng droga sa Barangay Tulungatung.

Nakuha mula sa mag-ama ang 19 na sachet na naglalaman ng droga.

Ayon kay Police Major Elmer Solon, hepe ng Police Station 11, bukod sa droga ay suspek din ang ama sa isang insidente ng pamamaril sa Barangay Canelar noong January 31, 2020.

Namatay sa insidente ang auditor ng isang kooperatiba ng taxi cab units na si Wilfred Tan, habang nasugatan naman ang asawa nito na si Wilma.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.