Babae tiklo matapos umanong mangikil sa passport applicants sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 01:50 AM

SAN NICOLAS, Ilocos Norte—Tiklo ang isang fixer na babae matapos umanong mangikil ng aabot sa P46,000 mula sa isang mag-asawang nag-a-apply ng passport sa bayang ito Martes.

Kinilala ang 25-anyos na suspek sa alyas Joan.

Kuwento ng hepe ng San Nicolas Police Station na si Police Maj. Joseph Baltazar, inireklamo si Joan ng mag-asawa mula Abra dahil sa paghingi nito ng libu-libong pera, kapalit ng mabilisang pagkuha ng pasaporte. Kabilang na rito ang pasaporte ng kanilang anak at anim pang kamag-anak.

Nagpakilala umano ang suspek na empleyado ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga biktima, pero paliwanag ng DFA sa pulisya hindi konektado ang suspek sa DFA.

Dito na inaresto ang suspek, sa harap ng opisina ng DFA sa bayan.

Tumanggi magbigay ng pahayag ang suspek na posibleng haharap ng reklamong paglabag ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Anti-Red Tape law.

Payo ng pulisya, kung gagawa ng anumang transaksyon sa mga ahensya ng gobyerno, personal na dumiretso na lamang sa kanilang tanggapan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.