Babae sa Digos City nahulog sa bangin matapos tangayin ng hangin

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 05:46 PM | Updated as of Feb 26 2020 05:57 PM


DIGOS CITY — Patay ang isang babae sa bayan na ito matapos siyang mahulog sa bangin nang tangayin ng malakas na hangin mula sa sinasakyang motorsiklo noong Sabado ng umaga. 

Kinilala ang biktima na si Kristelle Ann Abapo, 24.

Ayon sa mga nakakita, mahina lang ang takbo ng motorsiklo pero pagdating sa Barangay Cogon, bigla umano itong hinampas ng malakas na hangin kaya sumabit sa nakalambitin na kable ang biktima bago nahulog sa bangin. 

Nakaligtas ang driver ng motorsiklo na si Froilan Ladio pero hirap pa itong maglakad dahil sa natamong sugat sa iba't ibang parte ng katawan. 

Hindi pa rin makapaniwala ang asawa ni Kristelle na si Felkim.

Ayon kay Felkim, papunta sana sila ng asawa sa kanilang bukid pero nagpaalam ang biktima na kukuha ng jacket. 

Hindi niya inakala na dumiretso pala ito sa Barangay Tres de Mayo para kuhanin ang love birds na isusurpresa niya sana sa 5 taong gulang na anak. 

Inabisuhan ng City Disaster Risk Reduction Management Office-Digos ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho lalo na kung malakas ang hangin para makaiwas sa disgrasya. 

Ayon kay PAGASA-Davao chief meteorological officer Lolita Vinalay, posibleng gusty winds hatid ng localized thunderstorm ang naranasan sa bahagi ng Digos City noong Sabado. 

—Ulat ni Andoreena Causon, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.