Ash Wednesday: Ibang paraan ng paglalagay ng abo, parehong diwa

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 01:45 PM | Updated as of Feb 26 2020 07:07 PM

MAYNILA — Dumagsa ngayong Miyerkoles ang mga Katoliko sa mga simbahan para dumalo sa misa at magpalagay ng abo sa ulo bilang paggunita sa Ash Wednesday, ang hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.

Sa Parañaque, napuno agad ang unang misa sa Baclaran Church noong madaling araw. Kasabay rin kasi ng Ash Wednesday ang araw ng mga namamanata sa Our Lady of Perpetual Help.

Sa mga ash station sa labas ng simbahan, sa halip na ilagay nang pa-krus sa noo ang basang abo, ibinudbod na lang ang tuyong abo sa bumbunan ng mga mananampalayata.

Watch more in iWant or TFC.tv

Alinsunod ito sa mga patakarang inilabas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines bilang pag-iingat sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Melvin Malabanan, isa sa mga nagsimba sa Baclaran Church, wala naman daw pagkakaiba kahit sa bunbunan inilagay ang abo.

“Ang mahalaga naman, ispiritu ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Panginoon,” aniya.

May ilang nagsimba ring nagulat sa naibang paraan.

“Mas okay siguro kasi sa noo. Siguro dahil nakasanayan,” ani Pamela Anas.

“Okay lang naman. ‘Yon ang desisyon nila,” sabi naman ni Sonia Felicia.

Pero ayon kay Fr. Victorino Cueto, rector ng National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o Baclaran Church, dati nang gawain ng Simbahang Katolika ang paglagay ng abo sa ulo.

Hindi raw maituturing na bago ang ipinalit na paraan at ang mahalaga umano ay ang layunin sa likod ng abo.

“Naging magandang pagkakataon din ito, actually, dahil napapaliwanag natin ngayon na may iba-ibang pamamaraan kung papaano ipagdiriwang ang Miyerkoles ng Abo,” aniya.

“Dapat ma-inconvenience [sila], maramdamang kahit kaunti lang, we become uneasy, na ang ibig sabihin noon ay ang kalooban natin ay kinakailangang gisingin para muling ibalik sa ating Panginoon,” dagdag ni Cueto.

Binudburan din ng mga layko ng abo sa ulo ang mga nagsimba sa Quiapo Church.

Nanatili naman ang tradisyunal na pagpahid ng abo sa ilang simbahan gaya ng Manila Cathedral at Santo Niño de Tondo Parish.

Bahagi ng Kuwaresma — na tumatagal nang 40 araw — ang panalangin, pag-aayuno, at pagtulong sa kapuwa. 

Nagpaalala rin ang mga opisyal ng mga simbahan na kahit abala sa ibang mga gawain sa buhay, gamitin ang Kuwaresma para makapagnilay-nilay, magbalik-loob, at mapalapit sa Diyos. -- Ulat nina Anjo Bagaoisan, Lady Vicecnio, at Johnson Manabat, ABS-CBN News​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.