ALAMIN: Mga limitasyon sa pagdadaos ng mga pagtitipon, protesta

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 01:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Bagaman protektado ng Saligang Batas ang karapatan ng mga tao na magdaos ng mga mapayapang pagtitipon, gaya ng mga protesta, may ilang patakaran pa ring kailangang sundin ang mga lalahok sa naturang aktibidad.

Ito ang ipinunto ng abogadang si Claire Castro sa talakayan sa programang “Usapang De Campanilla” sa DZMM.

“It’s a constitutional right... na maggawa ka ng grupo, mag-gather kayo to speak up about something, ‘yong issue that concerns your group or some other people,” ani Castro.

Ang tinutukoy ni Castro ay ang Sec. 4, Art. III sa ilalim ng Konstitusyon na nagsasaad: “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.”

Pero dagdag ni Castro, “Pag sinabi nating karapatan ito, may kaakibat din pong obligasyon.”

Halimbawa, ani Castro, kailangan munang kumuha ng mga lalahok ng permit mula sa local government upang sila ay makapagdaos ng pagtitipon sa isang pampublikong lugar maliban na lang kung freedom park ang venue. 

Ito ay para matiyak din daw ng local government na walang gulong mangyayari sa pagtitipon o hindi makakaapekto ang event sa iba.

“Ang local [government] kailangan makita kung ano iyong puwede niyong gawin kasi it might cause trouble, na to the point na talagang makaperwisyo kayo sa ibang tao,” paliwanag ni Castro.

Hindi raw puwedeng tanggihan ng mga alkalde ang hiling na magdaos ng assembly.

“Kunyari hindi niya tinanggap... ang gagawin ng grupo, magbibigay ng kanilang written request, ipapaskila sa opisina [ni mayor]. Kapag hindi inaksiyunan, considered na ‘yon [as] granted,” ani Castro.

May mga patakaran din sa ilalim ng Public Assembly Act kaugnay ng pagdadaos ng mga pagtitipon na kapag nilabag ay may kaakibat na parusa, gaya ng pagkakakulong.

Ang pinakamabigat na parusa ay pagkakakulong ng 6 na buwan hanggang 6 na taon, ayon kay Castro.

Nagbabala rin si Castro na maging ang pagsusunog ng mga effigy sa mga protesta ay puwedeng maparusahan sa ilalim ng batas.

Pero kaya raw walang masyadong napaparusahan sa pagsusunog sa mga nagdaang protesta, “pina-practice ng ating mga miyembro ng police force ang maximum tolerance,” ayon kay Castro. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.