Aabot sa 300 mga bahay, nasunog sa Cebu City

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2020 11:22 PM | Updated as of Feb 26 2020 11:38 PM

CEBU CITY—Aabot sa halos 300 bahay ang natupok sa sunog na sumiklab sa Barangay Suba sa lungsod na ito Miyerkoles ng gabi.

Pasado alas-7 ng gabi nang rumesponde ang mga bombero sa sunog sa barangay. Nahirapan ang mga bombero sa pag-apula ng apoy dahil nasa loobang bahagi ng barangay ang sunog.

Maliit din ang daanan kaya kinailangan pang pagdugtong-dugtongin ng mga bombero ang kanilang hose para umabot sa mga nasusunog na bahay.

Itinaas sa Task Force Bravo ang sunog para makatulong sa pag-apula ang mga fire truck na galing sa mga kalapit na bayan.

Ayon sa imbestigador na si Senior Fire Officer 1 Novo Erana, nagsimula ang sunog sa bahay ni Jerry Cabido.

Bigla umanong sumiklab ang kisame sa ikalawang palapag ng bahay ni Cabido, na siya ring itinuturo ng mga bombero na pinagsimulan ng sunog.

Tinatayang nasa P1.5 milyon ang danyos sa sunog. 

Sa ngayon ay wala pang natatanggap ang Bureau of Fire Protection na ulat ng mga nasugatan o nawawala dahil sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.