Nagpapakalat ng fake news, kumita ng milyon-milyon

Warren De Guzman, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa si alyas "Ruby" sa mga dating empleyado ng digital marketing group na Twinmark Media Enterprises, na ipina-ban ng Facebook noong Enero dahil sa pagpapadala ng mga 'spam' at pagpapakalat ng mga umano ay "fake news" o pekeng balita.

Kabilang daw sa trabaho niya ang pagkalap ng balita sa internet para i-post ang mga ito sa daan-daang Facebook page at social media accounts ng kompanya.

"Kung ano iyong sa palagay niyo is magva-viral... Kukuhanin iyong mga basic detail tapos isusulat niyo lang kung, kahit anong way," ani "Ruby."

Nasa 300 ang Facebook at Instagram account na konektado sa Twinmark ang ipina-ban ng Facebook.

Base sa mga dokumento mula sa ilang empleyado ng Twinmark, nagbayad umano ang kompanya ng milyon-milyong piso sa mga "influencers" o mga artista, politiko, at iba pang sikat na tao para tumulong na mag-viral ang posts nila.

Hindi klaro kung alam ng mga mismong influencer na ginagamit ang mga pangalan nila.

May paraan din umano ang Twinmark para gawing viral ang mga post.

Bibigyan lang daw ng pambayad o kaya bote ng alak ang mga umano ay "troll."

"Mayroon kausap sa parang pinaka-head noong troll tapos mayroon siyang mga tao sa computer shop," ani "Ruby."

Ayon naman kay alyas "Sammy," mahalaga para sa Twinmark ang mag-viral ang posts dahil bawat click dito ay may katumbas na pera.

"Main source of revenue ng Twinmark is IA. Instant Articles, tawag sa kaniya," ani "Sammy."

"Nagbabayad 'yung Facebook... 'yong isang nakita ko for isang buwan, baka lumampas ng US$100,000," dagdag niya.

Base naman sa nakuhang dokumento ng ABS-CBN News, karamihan sa daang milyong piso na kinita ay mula sa page nitong "Trending News Portal" at "TNP-TV".

Ayon sa records ng Securities and Exchange Commission, ang may-ari ng Twinmark ay ang magkakapatid na sina Ken, Pet at Mark Hicban.

Kinumpirma ng Facebook na kumita ang Twinmark sa kanila.

Hindi naman kinumpirma ng Google kung binayaran ang Twinmark pero iginiit na nilalabanan nito ang tinatawag na "advertising fraud."

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang pahayag ng mga Hicban pero hindi pa sila nagbibigay ng mga pahayag.

--Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.