Lalaking nagtangkang mandukot umano ng mga bata, timbog sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2019 05:10 AM | Updated as of Feb 26 2019 10:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado sa Barangay Commonwealth, Quezon City Lunes ng hapon ang isang lalaki matapos ireklamo ng tangkang pagdukot ng mga bata.

Nahuli ang 52 anyos na suspek nang magsumbong ang ilang magulang matapos umanong tangkang kunin ang kanilang anak.

Kuwento ng isang nanay, hinablot umano ng suspek ang kaniyang anak na babae. 

"Kung 'di lang naagapan, nakuha niyo na," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakilala ng ilang residente ang lalaki dahil sa isang post sa social media na modus operandi umano nito ang pangangaroling para makapandukot ng mga bata.

Ilang magulang din ang lumapit sa pulis para magsumbong na muntik din umanong kunin ng suspek ang kanilang mga anak na may edad 4 hanggang 9.

Ayon pa sa isang nanay, binigyan umano ng pera at tsokolate ng suspek ang kaniyang anak para maengganyo na sumama nito.

Inaalam pa ng pulisya kung may kasabwat ang suspek at kung parte ito ng sindikato.

Nilinaw naman ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na wala pang kumpirmadong kaso ng pandurukot ng bata sa Metro Manila. - may ulat nina Jekki Pascual at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.