Lalaking nagpanggap umano bilang si Salvador Panelo timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2019 02:44 PM | Updated as of Feb 26 2019 09:34 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Naaresto sa Cebu City ang isang lalaking nagpapanggap umano sa social media bilang si Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sabi ngayong Martes ng National Bureau of Investigation (NBI).

Dinampot ng mga operatiba ng NBI ang suspek na si Jose Villafuerte sa isang entrapment operation na ikinasa matapos dumulog sa bureau ang Office of the Chief Presidential Legal Counsel (OCPLC).

Si Villafuerte ang nagpapatakbo ng isang pekeng Facebook account ni Panelo na kinokopya at pino-post ang lahat ng mga update at anunsiyo mula sa tanggapan ng tunay na OCPLC, ayon sa NBI.

Dahil sa pag-aakalang ang account ni Villafuerte ang tunay na account ni Panelo, marami raw ang nag-a-add dito, at humihingi ng mga payong legal at nagtatanong ukol sa trabaho sa Palasyo.

Humihingi rin daw umano ang suspek ng pera sa mga biktima na kunwari raw ay donasyon para sa mga proyekto ni Panelo.

Sa operasyon, nagpanggap ang isang NBI agent bilang isang "Henry Tan" na kalaunan ay hiningan ng pera ng suspek para raw sa mga proyekto para sa mga nasalanta ng bagyo sa Naga City.

Muli namang binalaan ni Panelo ang mga netizen na mag-ingat sa mga scammer sa social media.

"This should serve a warning to all that the law will always catch up to you people who misrepresent and cause fraud. Of course, also caution to those subject of deceit to be more careful," ani Panelo.

Isa raw sa mga kinontak ni Villafuerte gamit ang modus si senatorial candidate Jinggoy Estrada, ayon kay Panelo.

Naloko rin daw ng suspek ang isang kaibigan ni Panelo na nagbigay raw sa suspek ng P200,000.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek. Nalaman din ng mga awtoridad na may kinahaharap na itong kasong qualified theft at estafa. 

-- Ulat nina Johnson Manabat, Pia Gutierrez at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.