Babae huli sa pagpuslit ng 'shabu' sa nakakulong na kinakasama

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2019 10:52 AM

Arestado ang isang babae matapos umanong magtangkang magpuslit ng droga sa nakakulong niyang kinakasama sa Lipa City custodial facility sa Lipa, Batangas noong Lunes.

Natagpuan umano sa bag ng babae ang isang kaha ng sigrilyo na may mga pakete ng hinihinalang shabu sa kaniyang kinakasama.

Ayon sa mga pulis, unang naaresto ang kinakasama ng babae noong Lunes ng hapon sa kasong pagsusugal. Tatlong oras lang ang naging pagitan sa pag-aresto sa dalawa.

Ayon sa imbestigasyon ng Lipa police, dati na ring nakulong ang babae noong 2015 sa kasong may kinalaman sa droga at nakalaya ito noong 2018.

Depensa ng dalawa na wala raw silang alam sa nakuhang droga. Pero aminado ang lalaki na gumagamit siya ng droga.

Nasa 14 sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng pulis at tinutukoy na ang pinanggagalingan nito.

-- Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.