Ama umamin sa pagpatay sa batang inakalang di niya anak

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2019 01:35 PM | Updated as of Feb 26 2019 01:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang isang lalaki matapos umanong patayin ang kaniyang 9 anyos na anak sa Barangay Agusipan sa Badiangan, Iloilo. 

Ayon sa tiyahin ng suspek, nagising siya nang marinig ang suspek na pinaaandar umano ang kaniyang motorsiklo bandang alas-2 ng madaling araw ng Lunes. 

Agad nitong sinilip ang anak ng suspek sa kanilang kuwarto, at doon nadiskubreng wala nang buhay ang bata. 

Batay sa imbestigasyon ng pulis lumalabas na tinakpan ng suspek ang ulo ng bata gamit ng unan na dahilan para mamatay ito.

Habang bumibiyahe raw ang suspek ay nabalahaw ang minamanehong motorsiklo sa gutter na nasa harap mismo ng police station. 

Lalapitan sana ito ng pulis para tulungan pero tinangka umano nitong agawin ang baril ng pulis kaya inaresto ito. 

Aminado ang suspek sa krimen at sinabing ginawa niya ito dahil sa hinalang hindi siya ang tunay na ama ng bata. 

Nagtatrabaho bilang overseas Filipino worker ang ina ng biktima na halos tatlong taon nang hindi nakakauwi sa kanila. 

Nais ng pamilya na mapanagot ang suspek sa pagpatay sa bata. 

-- Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.