PatrolPH

2 umano'y hired killer timbog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2019 10:40 AM

Arestado ang 2 hinihinalang hired killers sa anti-crime operations ng mga awtoridad sa Sampaloc, Maynila ngayong Martes. 

Sa bisa ng tip ng isang concerned citizen, hinuli ng Sampaloc Police ang isa sa mga suspek na nakatambay sa G. Tuazon Street. 

Ayon kay Senior Inspector Edward Fuggan ng Sampaloc Police, nadiskubre sa cellphone ng suspek ang mga mensahe na nag-uutos sa magiging kilos nito. 

"Upon investigation po namin nalaman po namin sa kaniyang cellphone na trabaho niya ay hitman,” ani Fuggan. 

Ayon sa suspek, target umano nila ang mga hindi nagbabayad o nagre-remit sa bentahan ng droga o mga dawit sa onsehan sa Maynila at Caloocan. 

Naaresto naman sa Balut, Tondo ang umano'y middleman ng grupo sa isang follow-up operation. 

Narekober sa kaniya ang baril, granada, mga cellphone, at kotseng ginagamit umano ng middleman. 

Ayon sa mga pulis, P20,000 ang bayad sa mga suspek sa kada taong matutumba umano nila. 

Kakasuhan ang dalawang suspek ng Illegal Possession of Firearms, Ammunition and Explosives, maging sa Omnibus Election Code dahil sa paglabag ng ipinapairal na gun ban. 

-- Ulat nina Lady Vicencio at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.