2 bata, tinangkang kidnapin ng babae sa Marikina

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2019 07:22 AM

MANILA - Arestado ang isang 70-taong gulang na babae matapos umanong tangkain tangayin ang 2 bata sa Marikina City, Martes.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Marikina Police, kumakain sa labas ng kanilang bahay ang unang biktima nang bigla na lamang hinila ng suspek ang braso nito. Mabuti na lamang agad itong nakita ng nanay ng biktima kaya agad na umalis ang suspek.

Matapos lamang ang ilang sandali, isa pang bata ang tinangka umano muling tangayin ng suspek sa parehong lugar. Nakatakbo naman sa nanay ang biktima na agad inireport ang insidente kaya't agad na naaresto ang suspek.

Nasa kustodiya na ngayon ng Marikina Police ang suspek na residente umano ng Bulusan sa Bicol.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.