Umano'y NPA leader arestado sa Agusan del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 02:39 PM | Updated as of Feb 26 2018 03:38 PM

BUTUAN CITY, Agusan Del Norte - Arestado ang isang umano'y opisyal ng armadong Komunistang grupo na New People's Army sa bayan ng Sibagat sa Agusan del Sur noong nakaraang Biyernes.

Naaresto si Pablito Campos, alyas Batik o Ponsoy, sa joint operation ng 3rd Special Forces Battalion at Philippine National Police-Sibagat sa isinagawang raid sa isang kubo sa naturang na lugar.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga sundalo na may taong nasa loob ng kubo na may dalang mga armas.

Narekober kay Campos ang isang M4 rifle, 3 cellphone, isang backpack na may lamang isang hand grenade at personal na mga gamit. Dahil walang maipakitang dokumento, kinasuhan si Campos ng illegal possession of firearms and explosives.

Lumalabas sa imbestigasyon na front secretary, political officer ng Guerilla Front 21A at spokesperson ng subregional committee sa Westland ng North Eastern Mindanao Regional Committee si Campos.

Siya rin ang tinuturong responsable sa bigong pag-ambush sa mga tauhan ng PNP Sibagat noong July 29, 2017 na nag resulta sa pagkamatay ng kanilang kasamahang NPA.

Ayon pa sa PNP, may 12 warrants of arrest laban kay Campos.