TINGNAN: Boracay noong dekada '70, '80

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 09:44 PM

Nasulyapan sa ilang retrato ang hitsura ng Boracay noong dekada '70 hanggang '80.

Mga retrato ng Boracay noong dekada '70 - '80

Mga retrato ng Boracay noong dekada '70 - '80

Mga retrato ng Boracay noong dekada '70 - '80

Mga retrato ng Boracay noong dekada '70 - '80

Mga retrato ng Boracay noong dekada '70 - '80

Mga retrato ng Boracay noong dekada '70 - '80

Mga retrato ng Boracay noong dekada '70 - '80

Halos mga puno at bangka lamang ang matatanaw sa ibabaw ng pino at puting buhangin ng Boracay.

Wala ring makikitang kongkretong estruktura sa baybayin; puro mga mga bahay na gawa lang sa pawid ang nasa tabing-dagat.

Makalipas ang ilang dekada, nabago na ang hitsura ng baybayin ng Boracay na ngayo'y puno na ng hotels at resorts.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hanggang ngayon, naaalala pa rin ng katutubong Ati na si Delsa Justo ang kanilang buhay noon.

Mga ninuno raw nila ang nagpangalan sa isla.

Sa diyalektong Inati, ang "bora" ay nangangahulugang "bula" o "bubbles" habang ang "bukay" naman ay "puti" o white.

Ani Justo, dahil wala pang masyadong estruktura noong nakatayo sa baybayin, nakasisilaw ang kaputian ng buhangin ng Boracay kapag nasilayan tuwing tanghaling tapat.

May lupain ang mga Ati na bahagi at protektado ng ancestral domain.

Gayunman, ramdam din ng mga Ati ang problemang nagsulputan kasabay ng pag-unlad ng isla ng Boracay.

Kung dati-rati raw kasi, libre lang nilang nakukuha ang kanilang pang-araw-araw na pagkain sa gubat, ngayo'y wala nang gubat dahil panay hotel na ang nakatayo roon.

Napaliligiran man ng tubig, suliranin pa rin ng mga Ati ang mapagkukuhanan ng malinis na tubig.

"Noon, kahit saan lang kami umiigib... kapag pumatak ang ulan maiinom namin. Ngayon kapag uminom kami [kung saan-saan], nandiyan agad 'yong magkasakit," kuwento ng isa pang Ati na si Marina Salibio.

KUSANG GINIBA

Nitong Sabado, Pebrero 24, boluntaryong pinagiba ng may-ari ng West Cove ang bahagi ng kaniyang resort kasunod ng pag-iinspeksiyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga establisimyentong lumabag umano sa Clean Air at Clean Water Act.

Pinabakbak ng resort owner na si Crisostomo Aquino ang West Cove viewing deck na nakatuntong sa mga rock formation at dati nang inirereklamo.

"Para na lang suportahan 'yong kampanya ni Presidente Duterte na linisin ang Boracay, nag-self-demolish kami," ani Aquino.

"He claimed nag-apply siya na gamitin ang mga ito. Pero in the process, na-destroy 'yong natural resources," ani Environment Secretary Roy Cimatu.

Dati nang ipinagiba ang viewing deck pero muling naibalik.

"Nag-build siya [Aquino] sa isang 'no-build zone', 'tsaka pangalawa, nagpatayo siya ng walang kaukulang permits," sabi ni Rowen Aguirre, executive assistant ng Malay mayor.
 
Ayon kay Cimatu, 181 establisimyento sa Boracay ang nabigyan ng notice dahil sa mga paglabag.

AKREDITASYON

Sinuspende naman ng Tourism department ang akreditasyon ng mga bagong establisimyento sa Boracay.

Mabibinbin din muna ang renewal ng akreditasyon ng iba pang establisimyento. 

"All new applications will be held in abeyance, while expired and renewable applications will not be acted upon by Region 6," ani Tourism Assistant Secretary Frederick Alegre. 

Tinitingnan din ng inter-agency ang pagbuo ng national authority gaya ng Clark at Subic na hahawak sa mga permit sa Boracay.

Layon ding ilipat ang libo-libong pamilya ilegal umanong naninirahan sa isla ng Boracay.

-- Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.