Siklista, tumalsik nang mahagip ng sasakyan sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 08:04 PM | Updated as of Dec 12 2019 05:17 PM

Watch more in iWantTFC

Sugatan ang isang siklista matapos banggain ng isang sasakyan sa Caloocan City.

Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang biktima, na tumangging magpakilala, na nagtamo ng sugat sa mukha at ulo matapos mabundol ng sasakyan noong Sabado sa may Barangay 168, Deparo.

"Kailangan daw maagapan na maalis kaagad iyong dugo na nandoon mismo sa brain niya," kuwento ng kapatid ng biktima.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, kita ang biktimang nagbibisikleta sa gilid ng Deparo Road.

Maya-maya ay bumuntot sa siklista ang sasakyang mabilis ang takbo.

Pagdating sa may poste ng kuryente ay nasapul sa likuran ang bisikleta at tumalsik ang lalaking sakay nito nang may 10 hanggang 15 metro. 

Nawalan ng malay ang siklista matapos sumalpok ang mukha.

Agad namang sinundan ng taumbayan ang sasakyan.

Sa isa pang anggulo ng kamera, kitang huminto ang sasakyan, kinausap ang taumbayan, at lumapit sa nabanggang siklista.

Makalipas ang ilang sandali ay dumating ang ambulansiya at isinugod sa pinakamalapit na ospital ang biktima.

Hindi rin humarap sa mga mamamahayag ang driver ng sasakyan pero ayon sa kapatid ng biktima ay sasagutin na umano nito ang mga gastusin.

"Nakikipag-ugnayan naman sila sa amin ... lalo na iyong financial assistance sa gamot, hospitalization, inaako naman nila," anang kapatid ng biktima.

Bagaman walang bike lane sa Deparo Road, nagpaalala ang rumespondeng police na si Police Officer 1 Marvin Gaoat na dapat ay maging maingat sa pagmamaneho ng sasakyan.

"Yang mga driver naman kasi ng four wheels, dapat pagpasok pa lang sa sasakyan, pagpasok pa lang sa sasakyan, naka-mindset na sila [na] huwag matuling [ang takbo]," aniya. -- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.