Palasyo, nanindigang di 'fake news' ang EDSA People Power

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 09:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanindigan ang Malacañang sa ambag sa kasaysayan ng EDSA People Power Revolution sa kabila ng survey ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson ukol sa pagiging "fake news" ng naturang okasyon.

Tanong kasi ni Uson sa kaniyang Facebook survey: "Naniniwala ba kayo na ang 1986 EDSA PEOPLE POWER ay isang produkto ng FAKE NEWS???"

Base sa resulta ng mahigit 61,000 sumagot sa survey, 84 porsiyento ang nagsabing "yes," habang 16 porsiyento lang ang nagsabing "no."

Iba-iba ang naging reaksiyon ng netizens sa resulta ng survey.

May ilang sumang-ayon sa resulta, habang mayroon ding mga nagsabing tila binabago nito ang nakalimbag sa kasaysayan.

Mismong Malacañang naman ang nagbigay diin sa saysay ng EDSA People Power Revolution.

"According to the law, it is not fake news. According to the law, we honor the EDSA Revolution, having declared it as a public holiday," ani Presidential Spokesperson Harry Roque. 

"We still recognize and we will always recognize EDSA, not only as an important, historical event but it was the first bloodless people power revolution in the whole entire planet Earth."

Malayo rin sa bansag na "fake news" ang paglalarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa mapayapang rebolusyon.

"Mahigit 3 dekada na ang nakalipas nang ipamalas natin sa buong mundo ang ating tapang at paninindigan na baguhin ang landas ng ating kasaysayan," ani Duterte sa kaniyang mensahe nitong Linggo, ika-32 anibersaryo ng EDSA revolution.

"[A]ng rebolusyon sa EDSA ang nagsilbing sagisag ng ating paninindigang ipaglaban ang tama at… ipagsanggalang ang ating malayang pamumuhay."

"Nawa ay pagkaisahin tayo ng okasyong ito… Pagyamanin pa natin ang ating demokrasya sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ating mga mamamayan," anang pangulo.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.