P200,000 pabuya para sa ikahuhuli ng 'namaril' sa 2 traffic enforcers

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 07:54 PM

Nag-alok na ng pabuyang P200,000 ang mayor ng Bacoor, Cavite para sa ikaaaresto ng suspek sa pamamaril sa dalawang traffic enforcers sa naturang lugar noong Sabado, Pebrero 24.

Nagbigay lang ng isang araw na palugit si Bacoor Mayor Lani Mercado Revila para mahuli si Halil Capitan na umasinta umano kina Rommel Ignacio at Romeo Rito Jr. ng Bacoor Traffic Management Department matapos silang magsagawa ng clearing operations sa Zapote/Bacoor market.

 

Bukod sa dalawang enforcer, tinamaan din sa pamamaril ang isang sibilyan o bystander.

 

Ang suspek din ang idinadawit sa pagpatay sa isa pang enforcer na nagsagawa ng clearing operation sa parehong palengke noong Enero 2017.

Nagpaalala naman si Mercado-Revilla sa illegal vendors na hindi titigil ang clearing operations. 

Hindi kasi dapat ginagawang tindahan ang bangketa o sidewalk dahil dapat iyong daanan ng mga pedestrian.

Sa loob dapat ng palengke nagtitinda ang vendors at hindi sa sidewalk.

Bukod sa multa sa illegal vendors, hahabulin din ng lokal na pamahalaan ang mga establisimyentong nagpaparenta umano ng kanilang harapan para pagtindahan ng vendors.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.