'No. 2 most wanted' sa Raxabago, Tondo, timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 08:29 PM | Updated as of Feb 27 2018 01:36 AM

Naaresto ng Manila police ang lalaking itinuturing na ikalawang "most wanted" sa Raxabago, Tondo dahil sa pagpatay umano sa isang binata.

Sa bisa ng warrant of arrest, nahuli si John Mark Lunzaga ng 10 operatiba ng Manila police sa Raxabago, Tondo noong Biyernes.

Wanted si Lunzaga dahil sa pagpatay umano sa isang binata sa Tondo noong Nobyembre 2016.

Ayon kay Lolita Moratal, lola ng biktima, tandang-tanda niya kung paano umano inapi ni Lunzaga ang 18 anyos niyang apo.

Isang tindero ang biktima at hinihingan pa umano ni Lunzaga ng pera.

Sinumpak, sinaksak, at hinampas umano ng malaking bato ni Lunzaga ang biktima.

Ayon sa pulisya, supplier at gumagamit din umano ng ilegal na droga si Lunzaga.

Pero ayon sa suspek ay nagbago na siya.

"Dati gumagamit ako solvent ... no'ng nag-asawa na ako nagbago na ako," ani Lunzaga.

Dagdag pa ng Manila police, si Lunzaga ang isa sa mga pasimuno ng rambulan ng mga gang sa Tondo.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.