Lola, patay sa pamamaril sa Batac City

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 10:38 PM | Updated as of Oct 12 2018 11:51 AM

BATAC CITY - Patay ang 64 taong gulang na babae matapos itong barilin sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Baoa East sa Batac City mag-aalas siete ng gabi nitong Linggo.

Ayon sa hepe ng pulisya ng Batac City Police Station na si Superintendent Marlon Paiste, umiinom ng tubig si Guillerma Sadiri nang barilin ito ng hindi pa nakikilalang salarin.

Katatapos lamang kumain ng biktima ng hapunan kasama ang kanyang anak at apo nang mangyari ang pamamaril.

Pumuwesto sa likod ng kusina ang suspek. 

Nagtamo ng tama sa likod ang biktima na agad itinakbo sa ospital pero binawian din ng buhay habang ginagamot.

"Dinoble nating tinignan at pinag-aralan natin at doon talaga sa taas pumwesto ang perpetrator," ani Paiste.

Blangko para sa konsehal ng barangay na si Felino Cucson ang motibo sa pagpatay sa kanyang balae pero may mga alegasyon umanong isa itong mangkukulam.

"Base kasi sa sinasabi ng iba ay mangkukulam ito pero hindi man," ani Cucson.

Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang salarin at motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.