Lalaki, patay nang mabangga ng tricycle ang sinasakyang motorsiklo

Albert Lumbera, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 08:57 PM

Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kasama nito matapos mabangga ng tricycle ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Barangay Sinisian East sa Lemery, Batangas, Biyernes.

Kinilala ang mga biktima na sina Cindy Maullon at Bryan Araja, kapwa residente ng Calaca, Batangas.

Sinubukan pang dalhin sa ospital ang drayber ng motorsiklo na si Araja pero idineklara rin itong dead on arrival.

Ayon kay Police Senior Inspector Ernesto Chavez, sinubukan umanong mag-overtake ng tricycle sa isang sasakyan pero hindi nito napansin na may barikada sa kalsada.

Nang subukan nitong bumalik sa linya, saka nito natamaan ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima.

"Upon impact, tumalsik 'yung motor tapos 'yung dalawang rider-- 'yung drayber ng motorsiklo tsaka 'yung backrider--ay bumagsak dun sa pavement at itong drayber mismo ay talagang hindi na nakabangon sa pagkakabagsak niya dun sa simento," aniya.

"Mayroong suot na helmet pero hindi rin inano dahil siguro sa lakas ng bagsak nitong mga ito sa simento dahil sa mismong pangyayari," dagdag pa ni Chavez.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng drayber ng nakasagasang tricycle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.