Halos 500 pamilya sa Matalam, N. Cotabato, naipit sa girian ng 2 Moro lider

Jasper Acosta at Rodney Ontolan, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 05:11 PM | Updated as of Oct 11 2018 08:05 PM

Sumiklab ang putukan sa pagitan ng grupo ni Kumander Manzur Imbong ng 108th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) laban sa grupo ni Kumander Tato Manial ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Barangay Marbel sa bayan ng Matalam sa North Cotabato Sabado ng gabi.

Naipit sa girian ang aabot sa 498 na pamilya na nakatira sa 5 purok ng Barangay Marbel, na agad na lumikas nang magsimula ang putukan.

Ayon kay Police Superintendent Bernardo Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato Police Provincial Office, away sa lupa ang pinag-ugatan ng sagupaan ng 2 lider.

"Ito ay hindi away ng dalawang organisasyon, kundi ito ay land conflict ang pinag-ugatan ng away nila," ani Tayong.

Nitong Linggo, tumigil na ang putukan sa pagitan ng dalawang grupo matapos manghimasok ang militar, ang lokal na pamahalaan at Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities upang awatin ang naglalabang grupo.

Sa kabila nito, may ilang pamilya na takot pa ring bumalik sa kani-kanilang tirahan.

Kabilang sa mga apektado ang pamilya ni Rosario Lozana na hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa evacuation center sa likuran ng barangay hall dahil sa takot na madamay sa putukan kung sakaling muling sumiklab ang gulo sa pagitan ng dalawang grupo.

Dagdag pa ni Rosario, nasira na ang bubong ng kanilang bahay dahil sa putukan.

"Kasi 'yung bubong ng bahay namin ay nasira sa putukan," aniya.

Pinasok ng news team, kasama ang ilang barangay officials, ang lugar kung saan nagbakbakan ang dalawang lider Lunes ng umaga.

Ipinakita ng mga residente ang kanilang mga bahay na tinamaan ang bala.

Ang ilan sa mga ito ay nabasag ang bintana, mayroong nagka butas butas ang yero matapos tamaan ng ligaw na bala.

Maging ang sementadong pader at mga punong kahoy ay nagkabutas butas din dahil sa tama ng bala.

"Natamaan ng bala yung bahay namin, nagkabutas butas, sana makumpuni yung mga nasira sa bahay namin," ani Charmaine Depeza, isa sa mga residente ng Barangay Marbel.

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya at barangay official ang napaulat na mayroon umanong isang miyembro ng Moro Front ang nasawi.

Ayon kay Tayong, hindi pa nagbibigay ng pahayag sa pulisya ang dalawang grupong sangkot sa sagupaan.

Naka-antabay pa rin sa barangay hall ng Marbel ang dalawang tangkeng pandigma ng military at mortar bilang buffer force sa pagitan ng dalawang grupong nagkabakbakan sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.