'Boy Bakal' arestado sa pagnanakaw ng religious items sa Manaoag

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 05:14 PM

Inaresto ng mga pulis ang 47-anyos na si alyas “Boy Bakal” matapos magnakaw ng religious items sa isang stall sa gilid ng Minor Basilica of Our Lady of the Most Holy Rosary of Manaoag sa Pangasinan.

Narekober ng mga pulis ang walong maliit na imahe ng Santo Niño at krus. May nakuha ring malaking rosaryo.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), nasa isang sako raw ang nanakaw sa stall na pagmamay-ari ng ate ng suspek.

Inamin naman ng suspek na naibenta na niya sa halagang P350 ang iba sa mga ninakaw niya nang dumayo siya kahapon sa Baguio City para sa Panagbenga Festival.

Depensa ni “Boy Bakal,” hindi lang niya naipaalam pero hindi raw niya ninakaw ang mga ito.

Ayon naman sa pulisya, ilang ulit nang inerereklamo ng pagnanakaw ang suspek pero hindi nagsasampa ng kaso ang mga biktima kaya nakakalaya.

Nahulihan din siya ng isang sachet ng hinihinalang ilegal na droga.

Ayon naman sa mga nagtitinda ng religious articles sa lugar, ito pa lang ang unang pagkakataon na may nagnakaw sa kanila.

Tuloy ang pagsasampa ng kasong theft ng biktima sa kanyang kapatid.

Tiniyak naman ng pulisya na handa sila sa seguridad sa darating na Semana Santa.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 200,000 ang bumibisita sa simbahan tuwing Linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.