1 patay sa salpukan ng motorsiklo, kotse sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Feb 26 2018 10:47 AM

MAYNILA - Patay ang isang motorcycle rider nang sumalpok ito sa isang kotse sa Barangay 109, Caloocan City, Lunes ng madaling araw.

Dead on the spot ang di pa kinikilalang rider na sa lakas ng pagsalpok ay tumilapon pa mula sa sinasakyang motorsiklo.

Nakunan pa ng CCTV ang aksidente.

Ayon kay PO1 Albert Alan Badua ng Caloocan police station 1, "blind spot" ang lugar na pinangyarihan ng banggaan.

Samantala, isang motorcycle rider din ang sugatan sa aksidente sa Bagong Barrio, Caloocan kagabi.

Mabilis naisugod sa ospital ang rider na si Justine Dizon na sinapul ng isang humaharurot umanong tricycle.

Tumakas naman ang drayber ng tricycle na si alyas Jerboy, na hindi nagalusan kahit naipit sa minamanehong trike.

Ayon kay Rene Vibal ng asosasyon ng tricycle drivers at operators sa barangay, posibleng lasing si Jerboy na maghapon nag-inom.

Hinahanap na ngayon ng mga awtoridad ang nakabangga sa rider.--mga ulat mula kina Arra Perez at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.