Retrato mula sa Anakbayan SMR.
Inalala ng mga progresibong grupo ang ika-37 na anibersaryo ng EDSA People Power sa pamamagitan ng kilos protesta sa Freedom Park sa Roxas Avenue, Davao City ngayong Sabado.
Ayon sa grupong Anakbayan Southern Mindanao, hanggang ngayon ay nararanasan pa rin umano ang kalupitan para patahimikin at paslangin ang mga aktibista.
Inalala ng mga grupo ang nangyari noong Pebrero 24, 2022 kung saan napatay ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines ang "New Bataan 5" na kinabibilangan ng mga Lumad na guro na sina Chad Booc at Jurain Ngujo, medical worker na si Elegyn Balonga, at drivers na sina Tirso Añar at Robert Aragon.
Gabi noong Pebrero 23, 2022 pabalik na sa Davao City ang mga biktima pagkatapos ang kanilang field research sa New Bataan, Davao de Oro nang mangyari ang insidente.
Iginiit ng grupo na walang nangyaring engkwentro noong panahong 'yon.
Patuloy na nananawagan ng hustisya ang mga grupo at ayon sa kanila ay panahon na para managot ang mga salarin.
Kabilang sa kanilang mga isinisigaw ang pagtutol sa historical revisionism, mandatory ROTC, at charter change.
-- Ulat ni Hernel Tocmo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.