Higit P3-M halaga ng 'shabu' nasamsam sa Angeles City

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2021 06:58 PM

MAYNILA – Aabot sa P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa Angeles City, Pampanga noong Miyerkoles. 

Huli ang itinuturong umano'y tulak ng droga na target ng operasyon na si alyas "Ram," 25, at taga-Taguig City.

Narekober kay Ram ang nasa 500 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P3.4 milyon.

Mahaharap si Ram sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 BUY-BUST SA CABANATUAN CITY

Sa Cabanatuan City naman, huli ang isang padre de pamilya matapos siyang makuhanan ng higit P340,000 halaga ng umano'y shabu.

Ikinasa ng Cabanatuan City Police Station-Special Drug Enforcement Unit ang buy-bust sa Champaca 1, Barangay Dicarma kung saan nakatira ang suspek na si Benny Estares, 43.

Nakuhanan si Estares ng 13 sachet ng umano'y shabu na tumimbang ng 50 gramo.

Kulong si Estares sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.


–Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.