Mga resolusyon para ma-extend ang ABS-CBN franchise inihain

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 06:11 PM | Updated as of Feb 25 2020 07:44 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Isinusulong na ngayon sa Kongreso ang mga resolusyon para palawigin ang prangkisa ng ABS-CBN habang patuloy na dinidinig ang mga panukala para mabigyan ito ng bagong lisensiya.

Sa Kamara, naghain ng joint resolution si Cebu City 1st District Rep. Raul Del Mar para mapalawig ang bisa ng congressional franchise ng ABS-CBN hanggang Hunyo 30, 2022.

Ang resolution ni Del Mar ay halos katulad ng joint resolution na inihain sa Senado ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, na hinihiling din ang pagpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN hanggang sa katapusan naman ng 2022.

Nai-refer sa House committee on legislative franchises ang resolusyon ni Del Mar noong Lunes.

“This will enable Congress to discharge its constitutional duty of protecting public interest in the grant and repeal of franchises, without trampling on rights to due proess and infringing on free press and free speech,” sabi ni Del Mar sa resolusyon.

Ayon kay Del Mar, hindi na aabot ang mga panukala para sa bagong prangkisa ng ABS-CBN lalo at nakatakdang mag-break ang Kongreso simula Marso 14. Sa Mayo pa magtutuloy ang mga sesyon.

“It was obvious already that... the hearings on that renewal application will not be finished before the break,” ani Del Mar sa panayam.

Hindi bababa sa 11 panukalang batas, na layong mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN, ang nakabinbin sa Kamara. 

Nakatakdang mapaso ang prangkisa ng network sa Mayo 4, 2020.

Nauna nang sinabi ni House committee on legislative franchises chairman Rep. Franz Alvarez na baka sa Mayo o Agosto pa maumpisahang talakayin ang mga panukala, pero sinimulan na ng komite noong Lunes ang pagtanggap ng mga position paper kaugnay ng franchise renewal ng Kapamilya network.

PANIBAGONG RESOLUSYON

Bukod sa nauna niyang inihain na joint resolution, sinabi ngayong Miyerkoles ni Drilon na magfa-file din siya ng bagong concurrent resolution na naghihikayat sa National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN para magtuloy ng operasyon lampas sa pag-expire ng prangkisa.

Watch more in iWantTFC

Ito ay matapos sabihin noong Lunes ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa pagdinig sa Senado na puwedeng humingi ang Kongreso ng provisional authority mula sa NTC para matiyak na magtutuloy ang operasyon ng ABS-CBN habang patuloy na dinidinig ang mga panukala para sa franchise renewal nito.

Pero kung lulusot ang mga joint resolution sa Kongreso, hindi na kakailanganin ng ABS-CBN ng pahintulot mula sa NTC para magpatuloy ng operasyon matapos mapaso ang prangkisa, sabi naman ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez.

“The joint resolution should already extend it. We have the power to grant franchises, therefore a joint resolution would say you’re extended until we decide on the franchise extension,” ani Rodriguez.

KASUNDUAN NOONG 1994 UUBRA PARA SA TULOY-OPERASYON?

Pero para kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, sapat ang isang 1994 memorandum of understanding (MOU) ng Kamara, NTC at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na nagsasabing puwedeng bigyan ng 2 taong temporary permit ang isang broadcast company basta may pending franchise application.

Puwede pa raw itong dagdagan ng 2 taon kung walang aksiyon agad ang Kongreso.

“This will suffice dahil hindi pa naman ito na-supersede,” ani Zarate.

Unang binanggit ni Annaliza Buenviaje ng broadcast division ng NTC ang MOU sa pagdinig ng House committee on legislative franchises noong Lunes.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, bahala na ang Kamara kung sapat ang MOU o may iba pang kailangang gawin.

Ayon naman kay KBP President Herman Basbano, hindi saklaw ng MOU ang ABS-CBN.

Muli ring inihayag noong Lunes ni House Speaker Alan Peter Cayetano na titiyakin niyang maaaring magtuloy ang operasyon ng Kapamilya network kahit mapaso na ang prangkisa nito.

“Kung kailangang physically ako mag-on ng transmitter o pumunta doon, gagawin ko ‘yan,” aniya.

Nitong buwan din naghain si Solicitor General Jose Calida ng petisyon sa Korte Suprema para ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa umano ay ilang paglabag. -- Ulat nina RG Cruz at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.