Mag-asawa timbog sa QC buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 01:22 PM

Arestado ang isang mag-asawa matapos umano nilang bentahan ng hinihinalang shabu ang mga awtoridad sa buy-bust operation sa Quezon City noong gabi ng Lunes, ayon sa pulisya.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ni Quezon City Police District Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga suspek bilang sina Abdul Fatah Datudacullah, 38, at ang kaniyang misis na si Sittienor Datudacullah, 37. Pareho umano silang taga-San Jose del Monte, Bulacan.

Inaresto ang dalawa sa may Agham Road, Barangay Bagong Pag-asa bandang alas-8:50 ng gabi matapos bentahan ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa halagang P5,500, ayon sa ulat.

Ikinasa umano ng mga pulis ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa ilegal na aktibidad ng mag-asawa.

Nakumpiska umano sa mag-asawa ang 25 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P170,000 at ang perang ginamit sa operasyon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek, sabi ng pulisya.

-- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.