ALAMIN: Sino ang mga obligadong bigyan ng separation pay?

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 12:17 PM | Updated as of Feb 25 2020 12:34 PM

Watch more in iWantTFC

Kapag pasara na ang isang kompanya o magpasyang magbawas ng mga empleyado, may karapatan ang mga empleyado nito na makakuha ng separation pay. 

Obligasyon umano ito ng mga employer, alinsunod sa Saligang Batas at sa Labor Code, ayon sa abogadong si Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla." 

"Sumisibol ito sa karapatan ng manggagawa at ito ay constitutional right na security of tenure... Kapanatagan [ang separation pay] sa iyong pagllingkod," ani Del Prado. 

Katumbas ang separation pay ng kalahati ng sinasahod ng empleyado kada buwan, na dinodoble o minu-multiply nang naayon sa bilang ng taon sa serbisyo. 

"Halimbawa P24,000 ang suweldo mo. [Tapos nagtrabaho nang] 10 years. P24,000 divided by two multiplied by 10 years. [P120,000] Iyan ang separation pay mo," ani Del Prado. 

Sakop sa mga makakakuha ng separation pay ang mga empleyadong pinaalis ng kompanya sa pagkakataong magtalaga ang employer ng "labor-saving devices" o mga makinaryang kayang punan ang gawain ng mga aalising empleyado, ayon kay Del Prado. 

Hindi namang obligado ang mga employer na magbigay ng separation pay kapag na-bankrupt o nalugi ang establisimiyento, basta i-deklara ito sa mga awtoridad.

"Wala namang may kasalanan. Ito ay business decision hindi mo naman mapipilit ang negosyante na ipagpatuloy ang kompanya nang nalulugi. Ba't ka mag-aaksaya," paliwanag niya.. 

Pero paalala ni Del Prado, hindi obligado ang separation pay sa mga empleyadong magre-resign sa kanilang trabaho, kahit gaano pa man ito katagal nagtrabaho sa kompanya - maliban na lang kung nakasaad ang mga ito sa collective bargaining agreement ng unyon at ng kompanya. 

"Yung separation pay ito yung employer initiated pagputol sa trabaho na ginawa ng employer. Kapag empleyado ang nagputol wala. Yun ang general rule," aniya. 

At kapag nagpapanggap lang ang isang kompanya na magsasara ito para makakuha ng bagong empleyado, maaari itong managot sa batas, babala pa ng abogado. 

"May mga kaso [kasi] nakarating sa SC pinalabas na magsasara binayaran ng tamang separation pay at pumirma ang mga tao pero yun pala bigla siyang nag-operate ulit kumuha lang siya ng mga bagong empleyado," paliwanag niya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.