ABISO: Ilang alternatibong ruta dala ng Skyway 3 project

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 06:01 PM | Updated as of Feb 25 2020 06:22 PM

MAYNILA - Nag-abiso ang Metropolitan Manila Development Authority na inaasahan ang matinding trapiko ngayong sinimulan na gabi ng Lunes ang construction ng Skyway Stage 3 project. 

Magtatagal nang 20 araw ang proyekto, na layong pagdugtungin ang Skyway South Luzon Expressway-Buendia diretso sa North Luzon Expressway-Balintawak para pabilisin ang biyahe ng mga motorista. 

Ayon sa MMDA, ang mga magagaan na sasakyan na patungong NLEX ay maaaring dumaan sa Balintawak Interchange Ramp at mag-U turn sa may Cloverleaf Market. 

Maaari namang kumaliwa sa bubuksang zipper lane ang mga motoristang patungong Novaliches at NLEX. 

Kung manggagaling ng NLEX at papunta ng EDSA, maaaring dumaan sa Balintawak interchange ramp papuntang Monumento, kumaliwa sa A. De Jesus St. at kumaliwa muli sa C3 road para makarating sa destinasyon. 

Kung manggagaling naman ng Bulacan o Pampanga papuntang Maynila, maaaring dumiresto sa Harbor Link. 

Kung galing ng NLEX papasok ng Quezon City, maaaring mag-exit sa Mindanao Ave. 

Unang naantala ang pagkumpuni ng mga kalsada dala ng kakulangan umano ng abiso sa construction - dahilan para magresulta sa matinding trapiko sa EDSA-Balintawak. 

Tanging ang kontraktor lang umano ang nakakaalam sa naka-schedule na pagkukumpuni at wala umanong signages na epektibo ang road closure. 

Ayon sa pamunuan ng North Luzon Expressway, plano nilang magpakalat ng mga patrol at marshal sa Smart Connect o Mindanao Ave. Link Ramp sa Camachile at sa Mindanao Ave. Intersection. 

Magtatagal hanggang Marso 11 ang nasabing road closure. 

-- May ulat nina Lyza Aquino at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.