5 lalaki sa drugs watchlist ng Navotas, timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 05:39 AM

Kalaboso ang 5 lalaking nasa drugs watchlist matapos malambat ng mga pulis sa magkahiwalay na police operation sa Navotas.

Batay sa paunang ulat ng Northern Police District, unang naaresto ang 4 na lalaking mangingisda sa buy-bust operation sa Barangay Tangos North.

Nakipagtransaksyon ang poseur buyer ng P300 halaga ng ilegal na droga. Nang magpositibo ay nakumpiska sa mga suspek ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P10,000.

Isang construction worker naman ang naaresto matapos mahulihan ng ilegal na droga Lunes ng gabi sa Barangay North Bay Boulevard North.

Ayon sa Navotas Police, nasa drugs watchlist sa lugar ang lalaki at naaresto ng mga pulis matapos makatanggap ng report na may nagbebenta ng ilegal na droga sa lugar.

Nang kapkapan ay nahulihan siya ng 2 sachet ng hinihinalang shabu.-Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.