40 miyembro ng MILF naharang sa checkpoint sa Bukidnon

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 06:18 PM

Hindi na sinampahan pa ng kaso ang grupo ng MILF at pinauwi na lamang sa Maguindanao. Larawan mula sa Talakag Municipal Police Station

TALAKAG, Bukidnon – Naharang ang 40 armadong lalaking nagpakilalang mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa nasabing bayan, Lunes ng hapon.

Pinatigil sa police checkpoint sa Barangay Tikalaan ang elf truck na sinakyan ng grupo. Nang siyasatin ang kanilang mga gamit, nakita doon na may dala silang M14 rifle, fragmentation grenade, bandolier ng M14, handheld radio at mga bala.

"Papunta daw sa isang barangay ang grupo dahil pinangakuan sila ng lupa na maaari nilang sakahan at gawan ng tirahan," sabi ni Police Capt. Dominador Orate Jr., hepe ng Talakag Municipal Police Station.

Sasampahan sana sila ng paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at paglabag sa Republic Act 9516 (Illegal Possession of Explosives), pero may dumating mula sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at pinauwi na lamang ang grupo pabalik sa Maguindanao.

"Sabi ng OPAPP na hindi na nila gusto pang masira ang relasyon ng gobyerno at MILF dahil sa pagkakahuli sa grupo," dagdag ni Orate.

Plano ng pulisya na paiigtingin pa ang checkpoint sa Barangay Tikalaan para mabantayan ang mga dumaraan sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.