Arestado ang 2 Chinese national matapos tutukan ng baril ang isang sekyu Lunes ng gabi sa Barangay 81, Pasay City.
Kinilala ang mga suspek na sina Chen Long Xu at Liu Sheng Zhen na napansin ng mga guard na sina Carlitos Mesias at Loreto Muñez na may kahina-hinala umanong kilos.
Nakaposte sa entrada ng hotel ang mga guard at nang pigilan ang mga suspek, nahulihan nila ito ng baril at kutsilyo.
Sa imbestigasyon ni Police Lt. Col. Deanry Francisco Acopa ng Pasay Police, may mga nauna nang mga reklamo sa mga inaresto bago pa ang insidente kagabi.
“Mayroon agad dalawang complainant na nagpunta rito. Ina-identify sila na sila mismo ‘yung nanghoholdap sa kanila. Isang nangyari sa Maynila at isa may kaso sa Las Piñas. Sa nakuha naming record, may kaso silang theft. Nakapag-bail sila. Sa isa nga, sasampahan nila ngayon ng robbery,” ani Acopa.
Batay sa iprinisentang ID, ang isa sa mga suspek ay nagtatrabaho sa Parañaque City habang paso naman nito pang Pebrero 9 ang Chinese passport ng isa pang suspek.
Ayon sa pulisya, maaaring ma-deport ang mga suspek pero kailangan muna nilang harapin dito sa bansa ang mga kasong alarm and scandal, illegal possession of firearms and ammunition, at attempted homicide.-Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog News, Pasay, crime, alarm and scandal, illegal possession of firearms and ammunition, attempted homicide, Umagang Kay Ganda