10 anyos na babae natagpuang patay sa Quezon

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2020 08:28 PM

TAYABAS CITY, Quezon - Patay na nang matagpuan ang isang 10 anyos na babae sa Barangay Ilayang Alsam dito sa siyudad Biyernes.

Natagpuan ang bangkay ng biktimang si Kaycee Oabel sa masukal na bahagi ng burol sa nasabing barangay. May sugat sa mukha ang bata na tila mula sa ipinukpok na matigas na bagay. Marami ring pasa sa katawan nito na patunay na pinahirapan pa ito bago pinatay.

Hindi rin inaalis ng pulisya ang posibilidad na ginahasa ang biktima dahil baliktad ang suot na damit nito.

Ayon sa pulisya, mayroon na silang person of interest sa kaso.

"Mayroon na kaming suspek, sa ngayon ay at large siya, tinatapos namin ang papel para isampa ang kaso," paliwanag ni Police Senior Master Sgt. Aurelia Garcela.

Hustisya ang hiling ng mag-asawang Melody at Reynan Oabel para sa pagkamatay ng kanilang nag-iisang anak na babae na may autism.

Ito na ang ikalawang kaso ng pagpatay sa Tayabas City ngayong taon kung saan menor de edad na babae ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.