'Tulak' ng droga, supplier, timbog sa Iligan

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2019 09:46 PM

ILIGAN CITY - Arestado sa magkasunod na buy-bust operations ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 10 at ng Iligan City Police Station 4 ang isang umanong tulak ng ilegal na droga sa siyudad na ito, Sabado.

Nahuli ang suspek na nauna nang sumuko sa Oplan Tokhang noong 2016.

Bumalik umano ito sa pagbebenta ng ilegal na droga sa mismong bahay nito sa Barangay Tambo-Hinaplanon.

Kasamang inaresto ang anim pang suspek na nasa bahay nito na nagpositibo rin sa drug test.

Nakuha umano mula sa suspek ang nasa 40 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos P300,000.

Ikinanta ng suspek ang supplier nito na isang dating guro. Nahuli ang supplier na isang high-value target sa Barangay Canaway.

Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.