SAPUL SA DASHCAM: Taxi driver hinoldap sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2019 07:04 PM | Updated as of Feb 25 2019 07:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan ng dashboard camera (dashcam) ang panghoholdap noong Biyernes sa isang taxi driver sa Caloocan City.

Sa kuha ng dashcam ng taxi ni Wilmor Capellan noong madaling araw ng Biyernes, mapapanood na sumakay ang isang pasaherong naka-jacket at sombrero, at nagpahatid papuntang Caloocan.

"Pagsakay niya sinabi niya Monumento," kuwento ni Capellan.

Pagdating sa Samson Road sa Caloocan, doon na nagsabi ang pasahero na baba. Binuksan ni Capellan ang ilaw ng taxi at dali-dali raw itong pinapatay ng pasahero, na biglang naglabas at nanutok ng baril.

"Noong binuksan ko iyong ilaw, nataranta na siya... Habang sinasabi niyang, 'Patayin mo 'yan,' hawak niya 'yong baril, nakatutok na sa akin," ani Capellan.

Natangay ang cellphone, alahas, kita sa pasada, at personal na pera ni Capellan na aabot sa P21,000.

Natukoy na ng Caloocan police ang holdaper at nakatakda itong sampahan ng kaso sa Martes.

Umaasa naman si Capellan na mahuhuli agad ang nangholdap sa kaniya.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.