Pulis patay, kasamahan sugatan sa pamamaril sa Bukidnon

PJ Gisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2019 11:53 PM | Updated as of Feb 26 2019 03:47 PM

BUKIDNON - Patay ang isang pulis habang sugatan naman ang isa pa matapos silang pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Barangay Sumpong, Malaybalay, Bukidnon Lunes ng gabi.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Patay ang isang pulis habang sugatan naman ang kaniyang kasamahan matapos silang pagbabarilin ng mga miyembro ng New People's Army (NPA) sa Malaybalay City Lunes ng gabi, ayon sa awtoridad. 

Nasa 4 na armadong lalaki ang sinasabing responsable sa pamamaril 
kung saan nasawi si PO3 Jerry Tropel at sugatan naman si PO1 Remar Caña. 

Lumabas sa imbestigasyon na planado ang pamamaril sa 2 pulis, ayon kay Senior Insp. Jiselle Longakit, tagapagsalita ng Bukidnon police.

Ayon naman kay Supt. Al Abanales, hepe ng Malaybalay police, inako raw ng mga miyembro ng NPA ang responsibilidad sa pag-atake.

"Hindi personal ang motibo ng pamamaril kundi pangha-harass sa ating mga pulis," ani Abanales.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang mga bala ng kalibre .45 at 5.56 na armas.

Tutulong na rin daw ang militar sa pag-imbestiga sa insidente at sa paghabol sa mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.