Magkapatid na 'tulak,' timbog sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2019 06:33 PM

ILOILO CITY - Magkapatid na iniuugnay sa isang malaking drug group sa lalawigan ang inaresto sa isang buy-bust operation sa Barangay Airport, Mandurriao district sa Iloilo City, Linggo ng gabi.

Ayon kay Senior Inspector Marc Dado, minanmanan nila ang kilos nina alyas "Mar," 29 anyos, at kapatid nitong si alyas "Jun," 21 anyos, matapos silang ituro ng mga nauna nilang nadakip sa mga ibang operasyon.

Dagdag pa ni Dado, tanging mga kakilala ang pinagbebentahan ng magkapatid ng ilegal na droga.

Nakuha mula kay Mar ang 12 sachet ng hinihinalang shabu at P1,200 na buy-bust money.

Depensa ng mga suspek, planted ang mga nakuhang ilegal na droga.

Iniuugnay ng pulisya sa isang organisadong drug group sa Iloilo ang dalawa, pero hindi muna nila pinangalanan ang nasabing grupo.

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.