FVR di nakadalo sa pagdiriwang ng ika-33 anibersaryo ng EDSA revolution

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2019 04:06 PM | Updated as of Feb 25 2019 07:13 PM

Ipinagdiwang ngayong Lunes ang ika-33 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Jire Carreon, ABS-CBN News

Hindi nakadalo si dating pangulong Fidel V. Ramos sa taunang pagdiriwang ng anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.

Ginunita ngayong Lunes sa People Power Monument sa may EDSA ang serye ng mga mapayapang demonstrasyon na nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos, 33 taon na ang nakalilipas.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero hindi nakadalo si Ramos — isa sa mga iconic na personalidad sa rebolusyon — dahil hindi raw maganda ang lagay ng kalusugan, ayon kay Pastor "Boy" Saycon ng EDSA People Power Commission.

"Nalulungkot kami at ngayon, dala ng kaniyang pangangatawan, hindi na po siya nakadalo," sabi ni Saycon sa panayam ng ABS-CBN News.

"Sana ipagdasal po natin siya, bigyan pa ng ibayong lakas at makapiling pa natin sa mga susunod pang EDSA po," dagdag ni Saycon.

Ayon pa kay Saycon, hindi rin nakadalo si Ramos sa launching ng librong isinulat nito, na idaraos sana noong nakaraang linggo.

Nagsilbing hepe ng Philippine Constabulary si Ramos sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Pero kalaunan, kasama ang noo'y defense minister na si Juan Ponce Enrile, pinamunuan ni Ramos ang mga sundalong kumalas sa diktadura ni Marcos at sumama sa mga nagpoprotestang taumbayan.

Bukod kay Ramos, hindi rin dumalo sa okasyon si Pangulong Rodrigo Duterte, na kilalang malapit sa pamilya Marcos.

Pero nagpahayag naman ng pakikiisa ang pangulo at sa kaniyang mensahe, pinaalalahanan nito ang taumbayan kung paano naibalik ng rebolusyon ang karapatan ng mga Pilipino na bumoto sa halalan.

"As the entire nation prepares for the upcoming midterm elections this May, let us always remember how this historic revolution restored our power to collectively chart our future through the ballot," sabi ng pangulo sa isang pahayag. -- May ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.