36 bloke ng cocaine nakuha sa dagat sa Davao Oriental

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2019 04:22 PM | Updated as of Feb 26 2019 12:37 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang bloke ng cocaine na naman ang natagpuang palutang-lutang sa dagat.

Tatlumpu't anim na bloke ng cocaine na nagkakahalagang P200 milyon ang nahanap noong Linggo sa may katubigang sakop ng bayan ng Caraga, Davao Oriental, sabi ngayong Lunes ng pulisya.

Nahanap ng isang mangingisda sa Barangay Santiago ang droga, ayon kay Senior Inspector Fidelito Viola, hepe ng Caraga police.

Nakumpirmang cocaine ang mga bloke matapos isailalim sa test, ani Viola.

Hinimok din ngayong Lunes ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga mangingisda at residente na malapit sa mga dalampasigan na iulat sa pulisya ang mga matatagpuang cocaine na palutang-lutang sa dagat o inanod sa kanilang mga lugar. 

Hindi maparurusahan ang mga mag-uulat o makakukuha ng cocaine, ani PNP spokesperson Senior Superintendent Bernard Banac.

Noong Linggo rin, nakuha ang 34 bloke ng cocaine sa karagatang sakop ng Tandag, Surigao Del Sur.

Nito ring buwan, nasamsam ang mga bloke ng hinihinalang droga sa mga dagat o dalampasigan sa Siargao Islands, Dinagat Islands, at Camarines Norte.

Nauna nang sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na maaaring ginagamit ng mga sindikato ang Pilipinas bilang "transshipment point" para sa cocaine.

Pero puwede rin daw "diversionary tactic" o pambaling ng atensiyon ang mga natatagpuan cocaine para sa pagpuslit ng shabu, ayon pa kay Aquino.

-- Ulat nina Maan Macapagal, Berchan Angchay, at Zhander Cayabyab,ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.