Mga bus na bumibiyahe, posibleng kulang na ayon sa LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2018 03:19 PM | Updated as of Feb 25 2018 03:58 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Posibleng kulang na ang mga bumibiyaheng bus sa lansangan, sabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Linggo. 

Ayon sa LTFRB, kailangan nang mag-imbentaryo ng bus units, lalo't baka maraming units mula sa ilang bus companies ang na-phase out na. 

"Sa prangkisa nakalagay doon, 'Bus Company A, number of authorized units: 80. Pero titingnan natin kung ilan ba talaga ang nasa daan. Yung iba nag-phaseout na. In paper 80 pero ang actual 50 ," paliwanag ni LTFRB board member Aileen Lizada sa DZMM Teleradyo. 

"So kailangan mag-imbentaryo muna kami. Yun ho ang aming ginagawa ngayon. Kaya niyo nakikita na maraming pasahero [na naghihintay ng bus] kasi the last time nag-isyu ng prangkisa is 2003 pa pero 'yung population natin nag-iincrease tayo," dagdag pa ni Lizada. 

Aniya ang kakulangan ng bus sa lansangan ay isa ring posibleng dahila kung bakit naglabasan ang mga kolorum na UV Express sa ilang mga ruta. Kaya naman imbes na maghulihan, gusto umano ng LTFRB na maging pro-active sa paghanap ng solusyon dito.

Pag natapos ang imbentaryo, pagpapaliwanagin ng LTFRB ang mga bus operator na nagkulang ng bus units, lalo at posibleng kaso ito ng abandonment of route. Magpapa-bid rin aniya ang ahensiya sa mga bus operator na gustong magdagdag ng unit sa kanilang fleet.

Wala namang ibinigay pang timeline ang LTFRB sa imbentaryo, bagama't sinabihan na ni Lizada ang regional directors na simulan na ang proseso.