FVR, guard, 2 pulis pinarangalan sa anibersaryo ng EDSA People Power

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2018 12:33 PM | Updated as of Feb 25 2018 06:51 PM

MANILA - Tumanggap ng pagkilala si dating Pangulong Fidel V. Ramos, isang yumaong security guard at 2 pulis kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng EDSA People Power ngayong Linggo. 

Ginawaran ng People's Power Heroes Award si Ramos para sa kaniyang papel sa rebolusyon noong 1986 na tumapos sa 14-taong diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. 

Nagsilbi si Ramos bilang Armed Forces vice chief of staff sa ilalim ni Marcos. Kasama si Defense Secretary Juan Ponce Enrile, pinangunahan ni Ramos ang mga sundalong bumaligtad laban sa administrasyong Marcos. 

Sa People Power anniversary rites, nanguna si Ramos sa taunang "Salubungan," o re-enactment ng pagsasama ng militar at mga sibilyan sa mapayapang rebolusyon. 

Samantala, tinanggap ng mga kaanak ng guwardyang si Melvin Gaa ang posthumous na Spirit of EDSA Foundation and Good Citizenship Award. 

Nasawi si Gaa habang inililigtas ang daan-daang indibidwal nang masunog ang isang mall sa Davao nitong Disyembre. Tatlumpu't walong katao ang namatay sa naturang insidente. 

Iginawad naman ang EDSA People Power Commission Award kay Captain Michael Asistores, bilang pagkilala sa kontribusyon ng kanyang pangkat sa pagsugpo sa Maute gunmen na umatake sa Marawi nitong 2017. 

Tumanggap ng parehong parangal si PO3 Christopher Lalan, isa sa survivors ng anti-terror operation na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Maguindanao noong 2015. 

Nagkaroon din ng turnover ng pangangalaga sa People Power Monument mula sa Spirit of EDSA Foundation patungo sa National Historical Commission of the Philippines.  - Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News