EDSA Revolution, simbolo ng paglaban para sa tama: Duterte

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2018 12:37 AM

Hindi man dadalo sa paggunita ng ika-32 anibersayo ng EDSA People Power Revolution ngayong Linggo, nagpakita naman ng suporta si Pangulong Rodrigo Duterte para dito at kinilala ang ambag nito sa demokrasya ng bansa.

"Mahigit 3 dekada na ang nakalipas nang ipamalas natin sa buong mundo ang ating tapang at paninindigan na baguhin ang landas ng ating kasaysayan," ani Duterte sa kaniyang mensahe. 

Ang EDSA People Power Revolution ang naging hudyat upang mapatalsik sa diktadura ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Dagdag pa ni Duterte, ang mapayapang rebolusyon noon ay isang "simbolo" ng pakikipaglaban ng mga Pilipino para sa kanilang "malayang pamumuhay."

"[A]ng rebolusyon sa EDSA ang nagsilbing sagisag ng ating paninindigang ipaglaban ang tama at . . . ipagsanggalang ang ating malayang pamumuhay," aniya.

Nanawagan din ang pangulo ng pagkakaisa sa gitna ng okasyon.

"Nawa ay pagkaisahin tayo ng okasyong ito . . . Pagyamanin pa natin ang ating demokrasya sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ating mga mamamayan," saad ng pangulo.

Ang National Historical Commission of the Philippines sa pamumuno ng executive director nitong si Ludovico Badoy ang nakatalagang mangasiwa sa pagdiriwang.

Ang tema ng paggunita sa EDSA Revolution ngayong taon ay “EDSA 2018: Effecting Change Towards Strengthened Democracy.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.