Dalawa, arestado sa Tondo dahil sa pagdadala ng baril at balisong

ABS-CBN News

Posted at Feb 25 2018 07:57 AM

MANILA - Arestado ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo sa Tondo, Maynila matapos mahulihan ng baril at patalim bandang alas onse ng gabi Sabado.

Ayon pulisya, naaktuhan ang dalawang suspek sa tapat ng isang convenience store sa kanto ng N. Zamora at Moriones street, na tila huhugot ng baril.

Agad silang inaresto dahil dito, at natagpuan sa kanila ang isang kalibre trenta'y otso na baril na may 5 bala, at isang balisong.

Napag-alaman rin na dating security guard ng naturang convenience store ang isa sa mga suspect.

Nang tanungin, tumanggi ang dalawa na may plano silang holdapin ang convenience store, pero aminado na sa kanila ang mga armas. Katwiran nila, pang self-defense lamang ang mga ito.

Kasalukuyang nakapiit ang dalawa sa presinto ng pulis sa Tayuman at kakasuhan ng illegal posession of firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.